Friday, 20 January 2012

Mga Katanungan Para sa mga Paganong Pilipino

Ako ay nagninilay-nilay sa kung ano nga ba talaga ang Paganismo at ang Paganismo sa Pilipinas. Kalimitan, ang mga kahulugang nababasa ko ay hango sa depinisyon ng mga taga-Kanluran. Kung akin namang ihahambing ang mga kahulugang ito base sa aking mga naoobserbahan sa mga nagsasabing sila ay Paganong Pilipino, sadyang may pagkakalayo ang dalawa. Anu nga ba talaga ang Paganismo? Magkaiba ba ito sa Paganismo sa sikolohiyang Pilipino?

Sa aking pagninilaynilay, naghanap ako ng mga kahulugan ng Paganismo sa internet. Habang binabasa ko ang mga ito at ikinukumpara sa mga naoobeserbahan sa mga Paganong Pilipino, may mga katanungang nais kong mabigyan ng katugunan.


Ang mga Katanungan

1. Ang Paganismo ba ay isang paraan upang makawala sa kuko ng mga pangunahing pananampalataya sa Pilipinas? Ito ba ay isang paraan upang maipakita ang pag rerebelde laban sa mga ito? Ito ba ay pwedeng gawing dahilan upang kontrahin o magbitiw ng mga salita laban sa mga institusyong ito? O sapat na ba itong dahilan upang panigan ang mga tumutuligsa laban sa kanila?

2. Tinatawag ba natin ang ating mga sarili na pagano dahil dito natin natagpuan ang acceptance kung sino tayo at kung ano tayo? At sa daan ding ito natin naranasan na ipamuhay ang buhay na naaayon sa ating kagustuhan at 'di pinapakialaman ng iba?

3. Tinahak ba natin ang landas na ito dahil may pagka “weird” tayo o gusto nating maging iba sa nakararami? O 'di kaya’y ipaalam sa iba na may kakaibang kapangyarihan tayong taglay?

4. Bakit karamihan sa ating mga usapan ay may pataasan ng kaalamang nagaganap? Ito ba ay kapahayagan na mas mataas ang antas na nararating ng isa kaysa sa iba? Paganismo nga ba ito?

5. Sa pagbabahagi ng mga ideya, kailangan bang may mga taong dapat mapahiya dahil naiiba ang kanilang paniniwala? Sino nga ba sa atin ang pwedeng maghusga kung tama o mali ang ideya ng isang tao? Bahagi ba ito ng paniniwalang Pagano?

6. Ang Paganismo ba ay puro mahika, psychismo, at pangungulam lamang? Ito ba ay puro potions, spells, pagkontrol ng panahon, pagtatawag sa lindol, atbp? Bakit kaya ang mga ito ang laging lumalabas at bukambibig sa bawat usapan? Ito ba ay dahil nagbabahagi lamang tayo ng ating karanasan at kaalaman o dahil nais nating ipagmalaki ang ating kapangyarihan at ang mataas na uri ng kaalaman na nakamtan?

7. Bakit sa mga pag-uusap o diskusyung nagagaganap, ‘di nabibigyang diin ang ispirtuwalidad at sa kung ano ang nag-uugnay sa atin? Talaga bang ang mahalaga sa isang Pagano ang mahika lamang? Bakit ‘di pa napag-uusapan ng masinsinan ang mga pamamaraan kung saan pwedeng magtulong-tulong ang bawat isa sa iisang layunin at mapalago ang ispirituwalidad ng bawat indibidwal?

8. Pagano nga bang matatawag tayo kung tayo ay nagbibitiw ng walang habas at walang paghuhunos dili ng ating mga saloobin at ideya, at inaasahan ang lahat na tanggapin kung ano man ang ating pinaniniwalaan?

9. Sapat na bang tawagin tayong Pagano dahil tinawag natin ang ating mga sarili sa katawagang ito? O ipagkalat sa buong pamayanang Pagano na tayo ay makapangyarihan dahil nagawa natin ang isang bagay na nabasa natin sa isang lumang libro na ipinamana pa sa atin ng ating mga ninuno bago pa man dumating ang mga tao sa yungib ng Tabon?

10. Bakit maraming tao ang nahihirapang unawain ang mga paniniwalang Pagano? Ito ba ay dahil hindi lang nila tanggap ang mga nakapaloob sa ating paniniwala? O tayo mismo ang gumagawa ng mga bagay upang tayo’y katakutan at mas lalo pang ‘di maunawaan kung sino at ano tayo?

11. Bilang mga Pagano, anu nga ba ang responsabilidad natin sa ating sarili, sa pamayanan, sa bansa, at sa sangnilikha? Sapat na ba ang pag-aaral ng mahika at gumawa ng mga bulong at engkantasyon upang mabigyang kasagutan ang mga 'di kanais-nais na nangyayari sa paligid?

12. Ang lahat bang nabanggit sa itaas ay makakagawa na ng depinisyon ng Paganismo sa sikolohiyang Pilipino? Kung makakagawa man ito, ano kaya ang magiging kahulugan ng salitang “Pagano” at “Paganismo” sa kontextong Pilipino?

13. Bilang isang Paganong pamayanan, Pagano ba talaga tayong matatawag, o mga occult dabblers? Totoo nga ba tayo sa ating mga sarili sa pagsabing tayo ay Pagano? Sino nga ba tayo?
 
 
Nawa’s gabayan, alalayan, at bigyan tayo ng tamang kaisipan ng mga ninuno, diwata, mga bathala at bathaluman habang tinatahak natin ang landas na kung saan Nila tayo tinawag.


Basbasan nawa!