Friday, 24 February 2012

Mga Diwata, Pamahiin At Ang Mga Anyito (ng mga sinaunang tao sa Pilipinas)

Nais kong ibahagi ang isang artikulo na isinulat ni Padre Chirino(1595-1602) sa kanyang “journal” na pinangalanang “Relacion de las Islas Filipinas” at isinalin sa Ingles nina Frederic W. Morrision ng Harvard University at ni Emma Blair, na bahagi ng aking pananaliksik. Ito ay hinggil sa mga sinaunang tao sa Pilipinas (Ang panulat ay naaayon sa paningin (point of view) ng isang prayle. Ating tandaan na ang pamamaraan ng panulat ng isang tao ay naapektuhan ng kanyang paniniwala, kultura, at nakasanayan).



ANG MGA AWIT ng mga Pilipino ang naglalaman ng lahat ng kanilang pamahalaan at pagsamba, mga awit na natutunan nilang maigi nuong bata pa mula sa mga magulang at matatanda habang naglalayag o nagbubukid. Inawit din kapag sila ay nagkasayahan, nagdiriwang at lalo na kapag sila ay nagluksa sa patay.

Walang silbi ang kanilang mga isinulat tungkol sa pamahalaan at pagsamba sapagkat hindi nila kailan man ginamit ang kanilang pagsulat maliban sa mga liham tungkol sa anu-anong paksa. Una kong sasabihin ang paniwala nila na banal (divino, divine) ang kanilang mga ‘dios.’ Sunod kong susuriin ang kanilang mga ‘pari,’ babae at lalak. Panghuli, ilalarawan ko ang kanilang ‘misa,’ ang pag-alay (ofrenda, sacrifice)nila sa mga espiritu, at ang kanilang mga pamahiin (superstitions).

Sa kanilang mga awit, isinasalaysay ang kahindik-hindik na natamo ng kanilang mga ‘dios’ at ang mga pinagmulan at ugnayan ng mga ito. May isang ‘dios’ na itinangi nila bilang panguna at pinaka sa lahat, ang tinawag ng mga Tagalog na ‘Bathala mei capal’ (Bathalang Maykapal) na ang ibig sabihin ay ‘Dios na lumikha sa lahat.’ Ang tawag ng mga Bisaya ay ‘Laon,’ o ang Pinakamatanda.

Ang mga awit ay tungkol sa paglikha sa daigdig, ang pinagmulan ng mga tao, ang malaking baha (deluvio, deluge), kaluwalhatian (cielo, paradise), parusa (infierno, hell) at iba’t iba pang kababalaghan. Sari-sari ang ulat nila, minsan sa isang paraan, kung minsan, kaiba.

Mayroong isang ulat na ang unang lalaki at unang babae ay nagmula sa kawayan na nabiyak. Pagkatapos nito, malabo na ang usap nila tungkol sa pag-asawa ng dalawa, tinawag na ‘magkabiyak,’ dahil sa mahigpit na bawal sa kanila na mag-asawa ang magkapatid, o magkamag-anak na malapit. Sinabing nuong una lamang pinayagan upang dumami ang mga tao.

Naniniwala ang mga Pilipino sa ‘kabilang buhay’ (la otra vida, the afterlife) at kinikilala nila ang mga hindi nakikitang mga diuata (diwata, espiritus, spirits). Takot na takot sila sa multo at masasamang kaluluwa (demonios, devils) na nagpaparusa sa mga tao. Sinasamba nila ang kanilang mga ninuno, lalo na ang mga magiting na nagkamit ng karangalan nuong buhay pa. Karaniwan na pagkamatay ng ama, ihahayag ng anak na may pagkabanal ang kanyang magulang. Pati ang mga matanda ay may paniwala na ang kanilang mga nagawa sa buhay ay mahalaga at takda ng langit (divino, destiny), at sila ay magiging banal pagkamatay.

Halimbawa: Sa tabi ng dagat, sa pagitan ng Dulag at Abuyog, sa pulo ng Leyte, isang matandang lalaki ang nag-utos na ilibing siya sa isang hiwalay na kubo, malayo sa anumang baranggay, upang makita siya agad ng mga naglalayag sa dagat at sambahin bilang diwata at humingi ng patnubay mula sa kanya.

May isa pang matandang lalaki na nagpalibing sa pinili niyang puok sa bundok-bundok ng Antipolo. Bilang paggalang, walang nagtanim o nangahas sa puok na iyon mula nuon, sa takot na mamamatay.

Bilang alaala ng mga namatay, nagtatangi sila ng maliliit na estatwa, tinawag nilang ‘larauan’ (larawan, idolo, image), gawa sa bato, kahoy, buto o ipin ng buaya, ang iba ay ginto. Kapag nagigipit sila, humihingi sila ng tulong mula sa mga larawan, nag-aalay pa ng mga handog at pagkain.

Sinasamba rin nila ang mga hayop at ibon, ang araw at ang buwan. Banal din ang turing nila sa ‘bahag-hari’ (arco, rainbow). Ang mga Tagalog ay sumasamba sa ‘Tigmamanukin,’ isang ibong bughaw (pajaro azul, fairy bluebird) na tinawag din nilang ‘Bathala’ dahil paniwala nilang ito ay ‘dios.’ Pati ang uwak (cuervo, crow) ay sinamba nila, tinawag na ‘Mei lupa’ (Maylupa) na ang ibig sabihin ay ‘panginoon ng bukid.’

Nagpipitagan sila sa buaya at tuwing makita nila ay tinatawag na ‘nono,’ na ang ibig sabihin ay ninuno (ancestor). Binubulungan nila na huwag silang salangin, at inaalayan pa nila ng bahagi ng anumang nahuli nilang isda, hinahagis sa tubig.

Banal ang tingin nila sa mga matandang punong kahoy, at kasalanan ang pumutol nito sa anumang dahilan. Sinasamba rin nila ang malalaking bato o batuhan sa dagat (coral), mga bangin at gulod na nakausli sa ilog o dagat. Nag-aalay sila tuwing daraan sa mga ito. May isang malaking bato sa ilog ng Manila (Pasig River ang tawag ngayon) na nilagyan nila ng mga handog sa loob ng maraming taon. Sa dalampasigan ng hilagang Panay, malapit sa baranggay ng Potol, sa gulod na tinawag nilang Siroan (Silungan) at tinawag naming Nasso, marami ang nag-iwan ng mga pinggan at palayok (ng pagkain), alay ng mga nagdaraang naglalayag.

Ngayon, ang usli ng Potol (Potol Point) ay nasa hilaga ng Panay, malapit sa Boracay, samantalang ang usli ng Naso (Naso Point) ay nasa timog, sa kabilang dulo ng Panay.

Sa Mindanao, sa pagitan ng La Canela at ng ilog ng Mindanao, may isang mataas na bangin na nakausli sa tabi ng dagat. Laging malakas ang agos ng dagat duon, at mapanganib ang lumihis pabalik.

Upang maligtas sa panganib tuwing nagdadaan duon, nag-aalay ang mga katutubo (natives) ng palaso (arrow), ipinapana sa bangin dahil masyadong matarik para akyatin. Sinunog ng mga Espanyol ang mga palasong nakatarak sa bangin, subalit nakita ko mismo na wala pang isang taon, mahigit 4,000 palaso na ang nakatarak uli duon.

Sabi sa Blair & Robertson, malamang ito ang tinawag ngayong Cape San Agustin, sa silangang timog (southeast) ng Mindanao. Laging malakas ang agos ng dagat palagpas sa Sarangani Strait. Subalit ang tinawag na La Canela, o kinukunan ng kanela (cinnamon) ng mga Espanyol ay ang kanlurang baybayin (western coast) ng Mindanao, malapit sa Zamboanga, at isang dahilan nagtatag sila ng kuta (fuerza, fort) duon. Malakas din ang agos ng dagat duon, kaya tinawag ng Taosug ang mga sarili na ‘tao ng usog’ o agos.

Mayroon pa silang sanlibong pamahiin. Masamang pahiwatig (omen) kapag nakakita ng ahas o bubuli (lizard), o may humatsing (sneeze) palabas ng bahay o naglalakbay. Kaya umuuwi sila o bumabalik sa pinanggalingan.

Wala silang mga simbahan o mga araw ng pangilin (Domingos, Sundays) na pinagdiriwang ng lahat (fiestas, holidays). Nuon lamang pagpunta ko sa Taytay nalaman na sa maraming bahay, mayroong isa pang maliit na kubong gawa sa kawayan, parang torre (tower) ang hugis, binabagtas mula sa bahay ng maigsing tulay na kawayan din. Iniimbak nila duon ang mga gamit nila sa paggawa ng damit o banig upang matakpan ang tunay na ginagawa sa kubo. Ito ang dambana (altar) ng kanilang mga ninuno, maaari ring nagpapahinga duon ang mga kaluluwa habang lumalayon.

Natagpuan ko sa maliliit na baranggay sa Visaya (Pintados), may isang munting bahay - bubong lamang at sahig, walang mga dinding - sa bukana o pasukan ng baranggay. Dito itinatanghal ang pag-alay nila. Karaniwan, hindi sila nagtatayo ng simbahan o bahay pangsamba. Hindi rin sila nagsisimba nang takdang palagian, gaya ng bawat Linggo. Hindi rin sila nagmi-‘misa’ sa ngalan ng buong baranggay. Sari-sarili ang pag-alay nila, karaniwan sa bahay o sa puok na pinili ng nag-alay. Subalit sama-sama sila sa pagpili kung sinu-sino ang tatawaging ‘pari,’ babae man o lalaki. Maraming napagpipilian at iba’t iba ang mga tuntunin nila.

Sa Mindanao, marami akong nakitang mga bahay na may munting tanghalan (plataformas, platforms), magandang gawa sa kawayan. Duon nakalagay ang maliliit na estatwa ng mga anyito, pangit na ukit sa kahoy. Sa harap ng mga estatwa, bilang parangal, may mga palayok ng umuusok na baga, binudburan ng pabango.

Mayroon silang mga ‘pari,’ babae at lalaki, na tinawag ng mga Tagalog na catalonan (mula sa ‘katalo’ o ‘kausap’), at ng mga Bisaya na babailan. Unahan sila sa galing manawagan sa mga diwata pagkatapos mag-aral mula sa kaibigan o kamag-anak na catalonan o babaylan. Karaniwang pamana ng magulang, mahalaga ang tungkuling ito dahil iginagalang sila ng lahat. At kapag may nais manawagan sa mga diwata, binibigyan sila ng handog bilang parangal - ginto, tela atbp - dagdag pa ang malaking bahagi ng anumang alay ng nanawagan - baboy, manok, pagkain. Kaya malaki ang kita ng mga ‘pari,’ laging nakadamit ng maganda at maraming alahas at sari-saring palamuti (adornos, ornaments).

Hindi sa simbahan, karaniwang sa bahay ng nanawagan itinatanghal ang pag-alay ng baboy o manok, pinapatay habang nagsasayaw ang mga ‘pari’ at tumutugtog ng mga gong (batintin, bells) at mga gimbal (tambors, drums) ang mga kasama (musicos, musicians). Habang nagsasayaw, pinapasok ng diwata (demonio, devil) ang katawan ng catalonan o babaylan. Animo’y nababaliw siya, kumikisay at pangiwi-ngiwi habang patuloy nagsasayaw hanggang nahimatay.

Pagkatapos nila ihahayag ang sinabi ng diwata o anyito. Saka sila kakain at iinom ng alak, kasalo ang mga panauhin (umaabot ng 200 kung minsan) ng nanawagan, hanggang mabusog lahat at malasing, pati na ang mga catalonan o babaylan.

Sa Mindanao, mayroon 4 pang uri ng pag-alay. Ang ‘paghuaga’ ay pagpatay o pag-alay ng buhay ng isang tao, gawa ng mga Bagobo lamang. Ang pag-alay ng baboy ay tinawag na ‘pagbalilig,’ ang sa manok ay ‘pagtalibong.’ Ang pinakamagaang ay ang pag-alay ng kanin, tinawag na ‘pagcayag.’

Ang mga ‘baylana’ ang pumapatay sa hayop, sinasaksak sa puso o lalamunan ng ‘balarao’ o tusok, tapos sinisipsip ang dugo mula sa sugat. Nagsasayaw sila paligid sa alay, nginig nang nginig at ngiwi nang ngiwi habang inaawit:


Miminsad miminsad si Mansilatan
Upud si Badla nga maga-dayao nang dunia
Baylan managun-sayao,
Baylan managun-ligid.

Papanaog papanaog si Mansilatan
Tapos si Badla na magpapagaling sa daigdig
Hayaang magsayaw ang Baylan
Hayaang lumigid ang Baylan

Will descend will descend Mansilatan
Afterward Badla, (they) will give health to the earth
Let the Baylanas dance,
Let the Baylanas dance about

- Pablo Pastells, SJ, 1901
 
(Padre Chirino (1595-1602) "Relacion de las Islas Filipinas"
translaterd by Frederic Morrison and Emma Blair)